Monday, June 9, 2008

NAKPIL

May mga bagay na sadyang nakakalungkot habang tumatagal na isiisip mo ito. Minsan, hindi mo naman ginusto na isipin o balikan ang pangyayari ngunit sadyang hindi siya maalis sa utak mo. Ito 'iyong mga bagay na tumatak na sa atin mga isipan dahil na rin sa kagustuhan natin na maiwan ito sa ating tabi. Madalas, alaala na lang ang naiwan pero ito pa ang sadyang tumutusok sa puso natin. Pero ganyan talaga dahil mga tao lamang tayo. Madaling masaktan ngunit mahirap makalimot.

Thursday, June 5, 2008

ROTONDA, ROTUNDA

Musika na nga lang siguro ang bumubuhay sa aking pagkatao madalas. Gustong gusto ko ang himig na dulot ng Pag-ibig. Parang sinasabi niya sa akin na maniwala ka lang at matuto kang maghintay dahil darating din ang oras na matutunan mo kung paano patugtugin ang himig ng buhay mo.

Bangag nga siguro ako ngayon dahil kagagaling ko lang sa inuman pero lasap na lasap ko pa rin ang pagbabago ng aking pananaw habang tinutungga ko ang baso sa nakaraang walong oras ng buhay ko.

Musika. Alak. Minsan nagtutugma sila para ayusin ka. Para mabago ang pananaw mo. Makapag-isip ng mabuti at higit sa lahat ay ang magdesisyon para sa sarili.

Wednesday, June 4, 2008

BUENDIA

Bakit? Bakit sa tagal na nating magkahiwalay eh ngayon ka pa magpaparamdam. Ngayon ko pa maaamoy ang bango mo kung kailan sinisimulan ko na ang bagong buhay ko.

Nananadya ka ba talaga? O sadyang may gusto kang ipadama?

Tuesday, June 3, 2008

LAWTON

Tinamaan na naman pala ako kagabi ng katangahan.

Nagpunta ako ng internet shop ng mga alas-onse ng gabi at natapos ako ng ala-una na ng madaling araw. Hindi ko namalayan na naiwan ko pala ang USB Flash Disk ko sa USB drive ng CPU kung saan ako nag-internet. Umuwi ako ng dorm at natulog ng mga bandang alas-tres na hindi ko pala namalayan na wala na ang Flash Disk ko. Paggising ko kaninang tanghali at pagkatapos ko maligo para lumabas na ng dorm upang kumain ng tanghalian, doon ko lang namalayan na wala nga sa bulsa ng short na ginamit ko kagabi ang pinakamamahal kong gadget.

Doon na ko nagsimulang mag-isip ng pu****-i**** linteek at patay ako pag nawala ko iyon. Sobrang halaga sa akin ng gamit ko na 'yon. Syet talaga. Doon nakatago lahat ng pinaghirapan kong ipunin sa bakasyon ko na mga dokumento. Hmp. Pati ang scandal ko habang nangungulangot ay nandoon. (joke lang). Sabay sisi sa sarili na ang tanga tanga ko talaga. Pero sa totoo lang ay hindi lang naman talaga sa araw na ito ko na-realize na tanga ako.

Balik sa usapang USB, pangalawang beses ko na ito nawalan ng USB Flash Disk. Ang una ay 'yong 128 MB ko na pq1. alam ko mababa ang memory pero pinabili ko lang kasi 'yon sa tatay ko para doon ko isasave ang GAME files ng NBA Live 08 pero ang drama ko sa tatay ko ay para sa school works. Tae ang drama ko noh? Nawala ko 'yon sa paborito kong internet shop dati. Naiwan ko rin na nakasaksak sa CPU. Kinabukasan ng balikan ko ay hindi raw nila napansin. Syempre, kasalanan ko naman talaga. Bumili na lang ako ng bago para may magamit ulit ako. Kasing-tulad ng nawala kong USB para pag hinanap ng tatay ko ay may maipakita ako.

Binenta ko rin 'yon ng binilhan ulit ako ng tatay ko nito na ngang Sandisk CRUZER na 1GB. Hayop sa features. May libreng games sa loob. Hulaan niyo kung nong game. SUDOKU at MAHJONG. Tang-ina. Mahilig ako sa SuDoku kaya talagang minahal ko na ang USB Disk ko na ito.

Pero dahil nga ulit sa pagmamahal ay nawala ko siya. Katabi ko kasi siya matulog madalas. Hindi ko namalayan na nahulog pala siya sa gilid ng kama ko. Paggising ko ay inakala ko na nasa may mga labahan ko siya nailagay kasama ang duty uniform ko na marumi. Pero wala. Doon pumasok sa isip ko na baka nahulog ko siya habang sakay ako ng LRT. At ayun, tinanggap ko na lang na hindi na siya babalik sa buhay ko.

Makalipas ang anim na buwan, may nahulog akong gamit sa kama ko. Sa pagmamadali ko na pulutin ay binuhat ko ang kama at doon ko nakita ulit ang USB ko. Syet. Para akong nakakita ng milagro. 6 months pare tapos bigla ko ulit siyang nakita.

Balik sa usapan sa nangyari kagabi, binalikan ko siya sa pag-asa na mababawi ko pa siya. And guess what, hindi ako nagkamali. Naibalik ko siya sa kamay ko. Nagpapasalamat talaga at mayroon pang mga kapwa ko Pilipino na kahit papano ay may pagmamalasakit sa gamit ng iba. Nakagawa na rin ako ng ganitong klase ng kabutihan dati kaya siguro ay pinagpapala rin ako kahit minsan lang. Hindi lang din ito ang unang pagkakataon na ginawan ako ng ganitong klase ng kabutihan. Maraming beses na kaya ganoon na lang ang tiwala ko sa kapwa ko Pinoy.


Sa pagtatapos ng post ko na ito ay isa lang ang masasabi ko, PINOY, pinahanga mo na naman ako.

At iyang ang love story namin ng USB Flash Disk ko

Monday, June 2, 2008

RAON

PROBLEMA. 'Yan na yata ang isa sa mga bagay na hindi mawawala sa ating pamumuhay.

PERA. PAG-IBIG. Lahat, halo-halo na. Kung anu-ano ika nga.

Isang gabi, nagkaroon ako ng isang malaking problema sa pera(lagi naman yata). Halos lahat na ng mura ay nagawa ko. Kung Sinu-sino na ang mga santong sinisi ko. At pati Diyos ay napagbalingan ko na ng galit ko. Tanong ko lang sa kanya, "tang-ina naman at bakit sa akin pa nangyayari ang mga bagay na ganito. Unfair ka tlga kahit kailan, kung anu-ano na lang binibigay mo sa akin na sakit ng ulo."

Pagkatapos ng aking paglilitanya, sumagi sa isip ko na maglakad-lakad sa mga kalye sa hangarin na makalimot man lang at makapag-palipas ng oras. Sa paglalakad ko ay doon ko nakita ang katotohanan o realidad sa buhay. May nakita akong babaeng natutulog sa daan. May mga batang pulubi na nagkalat at naghahanap ng pagkain sa basura. May isang grupo ng kalalakihan ang nagra-rugby sa kabilang dako at gusto yatang paliitin ang utak lalo.

At may kasunod pa 'yun. Nagtext ang isa kong matalik na kaibigan at nangangamba daw siya na baka nabuntis siya ng syota niyang ulol.

Sa mga nakita ko, doon ko naisip na hindi pala ako nag-iisa. Kulang pa nga siguro ang mga nakita ko sa dami ng naglipanang problema ng tao sa Pilipinas.

Wow, syet. Pera lang problema ko. May malambot na higaan pa naman akong matutulugan mamaya at kahit malipasan ako ng gutom ay may pwede pa naman akong takbuhan na kaibigan kinabukasan. Magutom man ako mamaya ay ako lang ang magugutom dahil wala pa naman akong sanggol na ibibili ng gatas kapag umiyak.

Sabihin niyo ng makasarili ang aking pag-iisip pero naging buo ang pananaw ko tungkol sa paglutas ng problema. Hindi pala malulutas ang problema kung isisi mo lang sa iba. Sa bawat pagkukulang pala ay may kaakibat itong opurtunidad para punan ang pagkukulang. At sa bawat problema ay may solusyon kung gustong solusyonan.

LAGUSNILAD

Bahagi na ng pamumuhay ng bawat isa sa ating mga PINOY ang pagiging TSISMOSO at TSISMOSA. 'Yan ang isang bagay na gusto kong talakayin sa bawat pahinang mababasa niyo rito.

Isa akong TSISMOSO. Alam ko kayo rin. At sa pagkakataong ito, gusto kong ilabas ang aking saloobin tungkol sa ibat ibang isyu na gumugulo sa isipan ko sa araw-araw na ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Ikuwento ang buhay ng ibat ibang ordinaryon Juan Dela Cruz na nakakasalubong, nakakasalamuha, at napagmamasdan ko sa ibat ibang dako kung saan man ako nakatayo ngayon.

Ito ay lugar kung saan lahat ng gusto kong isulat ay isusulat ko ng walang pipigil sa akin. Dito ko igugugol ang panahon kung saan lahat ng reklamo ko sa mundo ay mababasa ng ibang tao at pasalamatan ang bawat araw na dumaraan sa buhay ko.

Samahan niyo ako patungo sa sulok ng aking pamumuhay. Ito ang kwento ng buhay ko na kayo lang ang makakaalam.